Monday, September 26, 2011

MGA ELEMENTO NG TULA


A.      Sukat – ito ang bilang ng pantig sa bawat taludtod ng tula.
B.      Tugma – ito ang pagkakatulad o pagkakapare-pareho ng huling tunog o ng mga huling salita sa bawat taludtod ng tula.
C.       Tayutay o Matatalinhagang Salita – sinadya at malikhaing paggamit ng mga salita at paghahambing na hindi literal. Nalilikha ito ng orihinal, masidhi at hindi inaasahang imahel at pag-uugnayan. Tinatawag din itong figurative language o metaphorical language sa Ingles.
D.      Larawang-Diwa (Image o Imagery) Ito ang pinakapuso ng panulaan. Ito ay tumutukoy sa muling paglikha ng makata ng anumang karanasan dulot ng iba’t ibang pandama sa pamamagitan ng mga salita. Iniiwan nito sa mambabasa ang mga tiyak at malinaw na larawan.
E.      Simbolismo (Poetic Symbol) – Ito ay mga tunay o konkretong imahen na sumusulong sa atin na isipin ang kahulugang napapaloob dito.

MGA URI NG TULA

A.      Ayon sa Kaanyuan
·         Tulang pasalaysay o buhay – Ito ay naglalahad ng isang kasaysayan o mga tagpo o pangyayari. Magkakaugnay ang mga pangyayaring mababasa sa mga taludtod nito.
Nahahati ang mga tulang pasalaysay sa mga sumusunod:
1. Epiko – Ito ay tulang salaysay tungkol sa kagitingan ng isang tao, mga tagumpay niya sa digmaan o pakikipagtunggali sa mga kaaway. Maraming tagpo ritong hindi kapani-paniwala sapagkat may taglay na kababalaghan o salamangka at milagrong napapaloob. Mauuri ang epiko bilang sinauna o pambayani, makabago o pampanitikan at pakutya.
2. Awit (song) at korido – Ito ay mga tulang pamana sa atin ng mga Kastila. Ang mga paksa nito ay hinango sa pangyayari na tungkol sa pagkamaginoo (chivalry) o pakikipagsapalaran. Ang mga tauhan ay mga dugong bughaw gaya ng hari’t reyna, prinsipe’t prinsesa.
3. Balad – Ito ay tulang pasalaysay na karaniwang inaawit. Naglalaman ito ng madamdaming pagsalaysay.
·         Tulang pandamdamin o liriko – Nagpapahayag ang mga tulang ito ng damdaming pansarili ng kumatha o ng kaya ay ng ibang tao. Maaari rin iton likha ng mapangarapin imahinasyon ng makata batay sa isang karanasan. Karaniwan itong maikli at medaling maunawaan.

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga uri ng tulang pandamdamin/liriko.
1.       Awit – Ito ay madamdamin at ang karaniwang paksa nito ay tungkol sa pag-ibig, kawalang-pag-asa o pamimighati, pangamba, kaligayahan, pag-asa at kalungkutan.
2.       Soneto[1] – Ito ay tulang may 14 na taludtod. Naglalaman ito ng damdamin at kaisipan at may malinaw na kabatiran sa likas na pagkatao at naghahatid ng aral sa mambabasa sa kabuuan.
3.       Oda – Nagpapahayag ito ng isang papuri, ng isang panaghoy o iba pang masiglang damdamin. Wala itong tiyak na bilang ng pantig o tiyak na bilang ng taludtod sa isang saknong.
4.       Elehiya – Nagpapahayag ito ng damdamin o guniguni tungkol sa kamatayan o kaya ay tula ng pananangis lalo na sa paggunita ng isang yumao.
5.       Pastoral – Naglalarawan ito ng tunay na buhay sa bukid.
6.       Dalit – Ito ay awit na pumupuri sa Diyos o sa Mahal na Birhen. Nagtataglay ito ng kaunting pilosopiya sa buhay.

·         Tulang pandulaan – Naglalarawan ito ng madudulang pangyayari na halos katulad ng nagaganap sa tunay na buhay at ang layunin nito ay upang itanghal.
·         Tulang sagutan / patnigan – Ito ay mga tulang pampagtatalo at pangangatwiran. Ang mga halimbawa nito ay duplo, karagatan, balagtasan at batutian.

B.      Ayon sa Kayarian
·         Matanda o makalumang tula – Binubuo ang tulang ito ng mga taludtod na may sukat at tugma. Ito ang pamamaraang ginamit ng mga kilalang makatang Tagalog.
·         Malayang taludturan o free verse – Nabibilang ditto ang mga tulang walang sukat at walang tugama. Isa itong paghihimagsik sa “makipot” na bakod ng matandang panulaan.
·         Tula sa tuluyan – Ang tula ay tunay na tuluyan o prosa ngunit ang diwang nakapaloob ay masagisag. Maiikli at matayutay ang ginagamit na pananalita gaya rin ng isang tunay na tula.
·         Di-tugmaang tula – Nagtataglay ang tulang ito ng sukat subalit walang tugma. Hindi ito gaanong gamitin sa ating panulaan.

C.       Ayon sa Layon
·         Mapaglarawan – naglalarawan ng pagpapahalaga o pagkamuhi ng makata o may-akda sa isang kalagayan, pook o pangyayari.
·         Mapagpanuto – namamatnubay, nagtuturo o nagpapayo ng isang ara sa pamamagitan ng mga taludtod.
·         Mapang-aliw – nagbibigay – aliw o lumilibang sa mga mambabasa. Maaaring ito ay nagpapatawa, nanunudyo o isang masagisag na palaisipan.
·         Mapang-uroy – nangungutya ito o namumuna ng mga kamalian o kasamaan ng isang bagay, ng kahangalan ng isang tao at mga pagkalulong sa isang hindi magandang bagay.
D.      Ayon sa Pamamaraan
·         Masagisag – gumagamit ang makata ang mga simbolo o pahiwatig sa pagpapakahulugan ng kanyang akda.
·         Imahistiko – ipinahahayag ng makata ang kanyang kaisipan at damdamin sa paggamit ng mga imahen at larawang-diwa.
·         Makatotohanan – tinutukoy ng makata ang kalagayan ng tunay na buhay sa daigdig o ng nakikita ng ating dalawang mata.
·         Makabaghan / surealistiko – ang makata’y gumagamit ng mga pangitain at galaw ng isang isipang nahihibang at wala sa wastong kamalayan.

E.      Ayon sa Bisa
·         Madamdamin – ang makata tumutukoy sa mararangal na damdiming gamit ang tula. Inilalarawan niya ang isang masining na kagandahan.
·         Mabulaybulay – matimpi o pigil ang damdaming inilalahad ng makata at umaalinsunod sa pagbubulaybulay o repleksyon ng isang bukas na isipan.
F.       Ayon sa Kaukulan
·         Mabigat – mataas ang uri. Mabigat ang tema at diwa. Ito ay isang mataas na uring pampanitikan.
·          Pampagkakataon o pang-okasyon ito ay mga tulang pambigkasan na ginagamit sa koronasyon, luksang lamayan, mga kaarawan at mga pagdiriwang ng bayani at araw ng pangilin.
·         Magaan – hindi gaanong mataas ang uri. Medaling isipin at karaniwan sa mga bugtungan at tulang pambata.


[1] Tingnan ang Petrachian at Shakespearian sonnets

TULA SA PAGLIPAS NG PANAHON

Likas sa mga Pilipino ang pagiging matulain dahil sa mga sumusunod na dahilan:
1.       Mula pa sa kanyang pagkasilang ay inaawitan na siya ng mga kantahing-bayan.
Matulog na aking bunso,
ang ina mo ay malayo
hindi ko naman masundo
may putik, may balaho.
2.       Ang pangangaral ng nakatatanda ay kadalasang patula tulad ng mga salawikain at kasabihan.
Ang lumalakad nang matulin
Kung matinik ay malalim.
3.       Gustung-gusto rin niya ang mga larong pahulaan kagaya ng bugtong at palaisipan.
Isda ko sa Mariveles,
nasa loob ang kaliskis. (sili)
4.       Naranasan din niyang sumali sa mga dulang patula katulad ng duplo at karagatan.
a.       Duplo – isang pagtatalong patula na kadalasang ginagawa sa lamayan at ito’y pagtatalo tungkol sa kung sino ang nagnakaw o pumatay sa loro ng hari. Patalasan ito ng isipan at talagang pinaghahandaan.

b.       Karagatan – isang larong patula na kadalasang ginagawa sa lamayan. Ito’y umiikot sa pagpapasikatan ng kabinataan sa husay ng pagtula at dami ng nilalaman upang maakit ang kadalagahan. Kung hindi gusto ng “prinsesa” ang binatang nagwagi sa pagsisid ay maaaring ganito ang kanyang sabihin.
5.       Nakaririnig din siya ng mga tulang mapanudyo lalo sa gabing naglalaro siya na maliwanag ang buwan. Tinatawag din itong tulansangan (tula + lansangan).
Bubuka ang bulaklak
Sasara ang bulaklak
Papasok ang reyna
Kekendeng-kendeng pa
Bum ti la la bum ti la la bum ye ye
Bum ti la la bum ti la la bum ye ye
6.       Noong pumasok ang mga Kastila ay natuto rin siyang isalaysay ang paglalang, paghihirap at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng pasyon.
7.       Mula sa sinaunang pagtatalo ay lumitaw ang Balagtasan at Batutian.
a.       Balagtasan – padulang pagtatalo na parangal kay Balagtas.
b.       Batutian – padulang pagtatalo parangal kay Jose Corazon de Jesus.

Sa kasalukuyang panahon ay makikita pa rin ang paraang patula sa mga rap o sa modernong pagtatalo gaya ng Flip Top

Ano ang tula?

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga depinisyon o katuturang ibinahagi ng ilang kilalang makata sa Pilipinas man o sa buong mundo.
A.       Julian Cruz Balmaceda – Ang tula ay isang kaisipang naglalarawan ng kagandahan,  kariktan, ng kadakilaan; tatlong bagay na kailangan magkatipun-tipon sa isang kaisipan upang mag-angkin ng karapatang matawag na tula.
B.       IƱigo Ed Regalado – Ang tula’y kagandahan, diwa, katas, larawan at kabuuang tanang kariktang makikita sa silong ng alinmang langit.
C.       Rufino Alejandro – Ang tula ay likha at ang makata ang manlilikha.
D.      Amado V. Hernandes – Ang tula ay hindi pulos na pangarap at salamisim, di pawang halimuyak, silahis, agiw-iw at taginting.
E.       Lope K. Santos – Ang tula ay isang uri ng salaysay na may sukat, tugma, kariktan at talinhaga.
F.       Lord Macaulay (halaw ni F. Monleon) – Ang pagtula’y paggagagad at ito’y lubhang kahawig ng sining ng pagguhit, paglililok at pagtatanghal. Ang kasaklawan ng pagtula ay higit na malawak kaysa alinman sa ibang gagad na may sining, pagsama-samahin man ang mga iyon.
G.       Edith Sitwell (halaw ni A. Abadilla) – Ang tula ay kamalayang napasigasig (heightened consciousness).
H.      Alexander Pope – Higit na marangal ang katotohanan kung nakadamit ng tula.